KALIBO, Aklan – Magiging kaabang-abang ang speakership race sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Sa interview ng Bombo Radyo, sinabi ni Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Isagani Zarate, “exciting” ang pagpasok ng 18th Congress sa Hulyo 22 matapos na umabot na sa walo ang nagpahayag ng interes na sumali sa pagiging house speaker.
Dahil dito, inaasahang mahahati ang boto ng mga kongresista, subalit kahit sinuman aniya ang mapiling bagong speaker ng Kamara ay paniguradong kaalyado pa rin ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Lumalabas umano na hindi na united ang Duterte coalition dahil sa kani-kanilang pansariling interes.
Sa kabilang dako, kahit dehado ay paninindigan umano ng Makabayan bloc ang kanilang pagsali sa inaagawang pwesto.
Layunin nito na maipaabot ang mga isyu na kasalukuyang kinakaharap ng bansa katulad ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea, kalusugan, edukasyon at maraming iba pa.