CENTRAL MINDANAO – Nakinabang sa upland rice seeds ng Department of Agriculture (DA-12) ang mga upland farmer sa probinsya ng Cotabato.
Ang mga nabigyan ng rice seeds ay nagmula sa tatlong distrito ng Cotabato lalo na sa mga bayan na marami ang nagtatanim ng palay at mais.
Ang mga nabigyan ng upland rice seeds ay mga benepisaryo ng Special Area for Agricultural Development (SAAD) program ng DA.
Nanguna sa pamimigay ng rice-seeds si DA-12 executive regional director Arlan Mangelen, mga opisyal ng Cotabato Agriculturist Office at LGU official.
Ang pamimigay ng rice-seeds ay kasabay ng launching ng Ahon Lahat Pagkain Sapat (ALPAS) Kontra sa COVID-19 Rice Resiliency Program ng Department of Agriculture.
Sinabi ni Mangelen na layon ng programa na mapataas ang produksyon ng mga upland farmer sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng dekalidad na mga binhi.
Ito ay sa kabila ng pandemic sa COVID-19.
Ang DA ay naglaan naman ng may P110 million para sa livestock at poultry dispersal ng SAAD Program.
Ang SAAD Program ay kabahagi ng Ahon Lahat, Pagkaing Sapat Kontra COVID-19 Food Resiliency Plan ng DA.
Kinompirma rin ni Mangelen na naglaan ng P25 milyon ang DA-12 sa SAAD Program sa North Cotabato at ito ay aprubado na.
Dagdag pa ni Mangelen, kahit tumama ang COVID sa bansa ay sapat ang suplay ng bigas.
Nagpasalamat naman ang mga magsasaka sa probinsya ng Cotabato na nabigyan ng libreng binhi o rice seeds ng DA.