Malabo ng makapagsagawa ng special election para palitan si Senator Sonny Angara sa mababakante nitong posisyon sakaling tuluyan ng umupo bilang kalihim ng Department of Education ayon sa Commission on Elections.
Ito ay matapos na italaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Sen Angara bilang bagong education secretary nitong Martes, 2 linggo matapos magbitiw sa Cabinet post si VP Sara Duterte noong Hunyo 19.
Paliwanag ni Comelec Chairman George Garcia, sa kanilang opinyon maikli na lamang ang panahon, ang termino ng nakaupong 12 senador ay isang taon na lamang at hindi na magpapatawag ang Senado ng special election at aantayin na lamang ang 2025 midterm elections.
Sinabi din ng poll body chief na kakailanganin ng P13 billion para magsagawa ng special election para sa senatorial position dahil ito ay nasa national level at kasamang boboto dito ang mga Pilipinong nasa ibang mga bansa.