Posibleng hindi na magkakaroon ng special elections para punan ang mababakanteng posisyon ni Senator at incoming Department of Education Sec. Sonny Angara.
Naniniwala si Comelec Chairman George Garcia na mayadong maikli na ang panahon habang ang termino ng 12 na kasalukuyang nakaupong senador ay matatapos na sa 2025.
Posible aniyang hindi na hihilingin pa ng Senado na magkaroon pa ng special elections at hintayin na lamang ang 2025 midterm elections.
Ayon kay Garcia, hanggang hindi nanaisin ng Senado na magkaroon ng special elections, mananatiling bakante ang posisyong iiwan ni Angara.
Idinetalye rin ni Garcia ang pangangailangan ng malaking pondo para magkaroon lamang ng special elections.
Maaari aniyang umabot ng hanggang P13 billion ang magagamit na pondo para lamang punan ang mababakanteng senatorial seat, habang kakailanganin ding bumuto uli ang mga OFWs.
Kahapon, July 2, ay inanunsyo na ng Presidential Communications Operations Office na si Angara ang papalit kay outgoing Education secretary at VP Sara Duterte.
Ito ay kasunod ng naunang paghahain ng bise presidente ng kanyang resignation na agad namang tinanggap ni PBBM.
Magiging epektibo sa July 19 ang pagbaba ni VP Sara bilang kalihim ng DepEd.