-- Advertisements --

Nanindigan ang isang opisyal ng Philippine Olympic Committee na hindi umano balido ang isasagawang special elections ng POC sa susunod na linggo upang ihalal ang bago nilang pangulo.

Una nang idineklara ni POC chairman Abraham “Bambol” Tolentino na sa darating na Hulyo 5 gaganapin ang nasabing eleksyon para sa mga nabakanteng puwesto sa komite.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay POC First Vice President Joey Romasanta, kinuwestiyon nito ang basehan ng pagdaraos ng eleksyon gayong iprinoklama bilang null and void ang kanilang extraordinary assembly kahapon.

Giit ni Romasanta, ang sinumang mga nagnanais na humirit ng special elections ay dapat itong idaan sa tamang proseso sa pamamagitan ng pormal na paghahain ng liham sa POC board.

Sakali aniyang kilalanin ng lupon ang request ay dito na nila pakikilusin ang Commission on Elections na siya namang babalangkas ng panuntunan sa gagawing halalan.

“Invalid ‘yun dahil unang-una, ikaw na kandidato ikaw pa nagsasabi kung kailan [ang special elections]. Bagama’t sinasabi niya kasi na the chairman can call for elections, tama po ‘yun kung may bakante. Pero ibig sabihin po n’un, mag-uumpisa ka na ng proseso ng eleksyon,” wika ni Romasanta.

“As I said, kailangan din naman natin pong sundin itong mga pagkakasunod-sunod ng proseso sapagkat papaano po kapag nagkaroon ng problema o protesta, nagpunta na naman sa korte o kung saan-saan? Eh kailangan dito pa lang i-anticipate at ayusin mo na,” dagdag nito.

Ani Romasanta, lahat din ng kanilang mga napag-usapan sa pulong ay wala ring legal and binding effect.

Salaysay pa ng opisyal, marahil ay makatarungan para sa kanyang panig kung idineklara itong qualified para sa posisyon ng POC president dahil magbibitiw din naman ito sa kanyang puwesto.

Marami kasi ang kumukuwestiyon, kasama na si Tolentino, sa qualifications ni Romasanta bilang pangulo ng POC dahil hindi umano nito nasunod ang nakasaad sa kanilang by-laws.

Sang-ayon sa kanilang panuntunan, ang POC president ay dapat mayroong apat o higit pang taon nang pangulo ng national sports association (NSA) ng isang Olympic Sport sa oras ng kanyang pagkakaluklok.

Saad ng mga kritiko, si Romasanta ay bise presidente lamang ng Larong Volleyball sa Pilipinas nang humalili ito sa nagbitiw na si Ricky Vargas.

Pero ayon kay Romasanta, hindi na raw ito tatakbo sa gagawing halalan upang mabigyan ng pagkakataon ang ibang mga sports leaders na pamunuan ang Olympic body ng bansa.

Una nang sinabi ni Tolentino na kailangan umanong maayos ang nangyayaring krisis sa liderato ng POC para sa pagkakaisa ng sports community sa Pilipinas.