-- Advertisements --

Pinalaya na sa Senate detention facility si Special Envoy on Transnational Crime Amb. Markus Lacanilao matapos na hindi pirmahan ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang contempt order, ayon kay Senadora Imee Marcos.

Pinatawan ng contempt ng Senate Committee on Foreign Relations si Lacanilao dahil sa umano’y hindi pagsasabi ng totoo sa imbestigasyon kaugnay sa pagkakaaresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Senadora Marcos, nakadidismaya ang naging desisyon ni Escudero na hindi pirmahan ang contempt order na inisyu ng kanyang komite.

dahil aniya sa hindi maipaliwanag na desisyon ng pangulo ng Senado, malaya na muli ang opisyal kahit na nagsinungaling ito sa gitna ng pagsumpa na magsasabi ng buong katotohanan sa pagdinig. 

Giit ng senadora, napakalinaw ng mga kasinungalingang ginawa ni Lacanilao kaya hindi niya raw maunawaan kung bakit hindi ito nakikita ni Escudero gayong isa siyang abogado. 

paano rin daw matitiyak ng mataas na kapulungan ang pagiging epektibo nito kung ang indibidwal na nagsingungaling underoath ay hindi maparurusahan. 

Insulto aniya sa Committee on Foreign Relations ang pagtalikod ni Escudero sa contempt order laban kay Lacanilao at pagsuway sa integridad ng Senado na kanyang pinamumunuan. 

Gayunpaman, hindi na raw kailangan ni Marcos na paalalahanan pa si Escudero na ang contempt power ng senado ay nakabatay sa mismong self-preservation ng institusyon.