Kinumpirma ni Executive Sec. Salvador Medialdea na naghain na siya ng reklamong libel sa Department of Justice (DOJ) laban kay Special Envoy to China Ramon “Mon” Tulfo.
Sa isang text message ni Medialdea sa mga mamamahayag, sinabi nitong marami pa umanong paparating na kaso laban kay Tulfo.
Ayon kay Sec. Medialdea, noong Hunyo pa siya naghain ng kaso laban kay Tulfo pero nagpasyang manahimik lamang.
Inihayag ni Sec. Medialdea na layunin ng kanyang reklamong ituwid ang mga maling akusasyon laban sa kanya ni Tulfo.
Nag-ugat ang reklamo ni Medialdea sa column ni Tulfo sa Manila Times na nagsabing nangongomisyon umano siya o may “cut” sa reward money para sa isang tipster ng Bureau of Customs (BOC), bagay na walang katotohanan.
Iginiit pa ni Sec. Medialdea na hindi ginamit ni Tulfo ang pagiging responsableng mamamahayag dahil mistulang sinadyang hindi nito isinali sa column na ang tinutukoy na reward money rito na nagkakahalaga ng mahigit P272 million ay tinanggihan ng reward committee ng Department of Finance (DOF).