Umaasa ngayon si Department of Justice (DoJ) Sec. Menardo Guevarra na all set na ang special investigating team na mag-iimbestiga sa pagkamatay ng siyam na akbitista sa Calabarzon na subject ng warrant of arrests.
Sinabi ni Guevarra na matapos i-refer ng DoJ ang imbestigasyon sa pagkamatay ng siyam na katao sa Administrative Order (AO) 35 ay agad itong bumuo ng team na pangungunahan ng mga prosecutors na tututok sa imbestigasyon.
Ang AO 35 ay isang Inter-Agency Committee na naatasang mag-imbestiga para sa mga Extra-Legal Killings (EJK), Enforced Disappearances, Torture at iba pang Grave Violations na may kaugnayan sa Right of Life, Liberty at ang seguridad ng isang tao.
Ayon kay Guevarra, base sa mga nakalap na report ay pasok ang naturang insidente sa AO 35.
Kasabay nito, hiling naman ni Guevarra sa sambayanan lalo na sa mga nakasaksi sa krimen na agad silang makipagtulungan sa DoJ dahil sila raw ang kailangan ng AO 35.
Maliban sa DoJ na lead agency, ang AO35 inter-agency committee ay kinabibilangan din ng Department of Interior and Local Government (DILG), Department of National Defense (DND), Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Chief ng Philippine National Police (PNP), Director ng National Bureau of Investigation, Chairperson ng Presidential Human Rights Committee at Presidential Advisers on Peace Process, and Political Affairs.