-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY-Bumuo ng Special Investigation Task Group (SITG) ang Philippine National Police (PNP) kasunod ng nangyaring pagpaslang sa bise-alkalde ng Aparri, Cagayan at limang iba pa na tinambangan pasado alas 8:00 nitong Linggo ng umaga sa Bagabag, Nueva Vizcaya.

Ang task group na pinamumunuan mismo ng Provincial Director ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office ay binuo para tukuyin ang motibo at papanagutin ang mga salarin na pumatay sa mga biktima na sina Vice Mayor Rommel Alameda; John Duane Alameda, pamangkin at driver ng Vice Mayor; Abraham Ramos, Jr.; Ismael Nanay, Sr.; Alexander Delos Angeles; at Alvin Abel na pawang mga residente ng Aparri.

Sinasabing ang dalawa sa mga nasawi ay kasamahan ng bise-alkalde sa kanyang kinabibilangang socio-civic organization habang ang dalawang iba pa ay kanyang personal bodyguard.

Sa ngayon wala pang malinaw na motibo sa nangyaring pamamaslang kung saan patuloy na tinutugis ng pulisya ang mga tumakas na suspek.

Ayon kay PMaj. Jolly Villar, tagapagsalita ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office, sakay ng van ang grupo ni Vice Mayor Alameda ng napatigil sa harap ng eskwelahan sa Sitio Kinacao, Brgy Baretbet, Bagabag dahil sa nakaharang na barikada ng paaralan.

Bigla umanong pinagbabaril ang van ng anim na armadong lalaki na nakasuot ng uniporme ng pulis at mask at tumakas patungong bayan ng Solano gamit ang puting sasakyan na may pulang plaka na nahagip ng CCTV.

Tadtad ng bala sa katawan si Vice Mayor Alameda kung saan ay natanggal pa ang kanyang isang mata na tinamaan ng hindi pa mabatid na uri ng baril kung kaya hindi agad nakilala ng pulisya.

Kasunod nito ay kinondena ni Cagayan Governor Manuel Mamba ang ginawang pananambang at inilarawan ang bise-alkalde bilang respetado at mahal ng kanyang mga kababayan na dating nagsilbi bilang sangguniang bayan member at ngayon ay nasa ikalawang termino bilang bise alkalde.

Kinondena rin ng Vice Mayors League of the Philippines (VMLP) – Cagayan Chapter ang naturang pagpaslang at nanawagan ng agarang hustisya para sa mga biktima.

Nabatid na patungong Maynila ang grupo ni Vice Mayor Alameda para sana dadalo sa 27th Vice Mayors’ League of the Philippines National Convention sa Pasay City na nakatakda ngayong Lunes.

Samantala, nanawagan pa ang organisasyon sa law enforcement agencies na gawin ang lahat ng kanilang makakaya para matigil na ang ganitong klase ng pagpatay.