Bumuo ang Philippine National Police (PNP) ng isang Special Investigation Task Group para sa ongoing investigation ng kidnapping case ng Filipino-Chinese businessman na si Anson Que at driver nito na si Armani Padillo.
Ayon kay PRO III Director at PNP Spokesperson PBGen Jean Fajardo, direktiba mula kay PNP Chief General Rommel Francisco Marbil na bumuo at i-activate na mismo ang Special Investigation Task Group para maimbestigahang mabuti ang kidnapping incident na ito at kung malaman kung saan nga ba konektado at may kaugnayan ang naturang insidente.
Ang naturang task group naman ay pamumunuan ni Chief Directorial Staff LtGen. Edgardo Okubo kung saan katuwang ng task group para kumalap ng mga impormasyon ay ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa pangunguna ni MGen. Nicolas Torre III.
Sa kabila nito, ayon kay Fajardo, tiniyak ni Marbil sa publiko lalo na sa Filipino-Chinese community na pangngunahan niya mismo ang kasalukuyang ginagawang imbestigasyon sa inisdente dahil sa kagustuhan nito ng mas mabilis na mga resulta sa naturang kaso.
Ani Fajardo, hanggat maaari ay ayaw na ni Marbil na patagalin pa ang imbestigasyon nang maresolba at mapanagot na rin sa batas ang mga tao sa likod nito.
Kasunod nito ay nagpahayag naman ng suporta ang PNP sa Filipino-Chinese community at iginiit na hindi titigil ang kanilang hanay hangga’t hindi nakakamit ang hustisya.
Samantala ngayong araw naman sa naging pakikipagpulong ni Marbil sa mga opisyal mula sa Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) ay kinumpirma at nilinaw nito na wala sa kanilang hanay ang sangkot sa naturang kidnapping incident.
Nanawagan din ang hepe ng kooperasyon mula sa komunidad at sa publiko at sinabing bukas sila sa anumang mga impormasyon na maaaring makatulong sa imbestigasyon at maaaring operasyon laban sa grupong nasa likod ng mga krimen na target ang Filipino-Chinese community.