CENTRAL MINDANAO – Binuo na ang PNP special investigation team (SIT) ng mga otoridad sa pamamaril-patay sa isang mamamahayag sa Kidapawan City.
Ito ang kinumpirma ni Kidapawan City chief of police, Lt. Col. Joyce Birrey.
Ang team ay kinabibilangan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG-Cotabato) at city PNP.
Unang sinuri ng SIT ang mga kuha ng CCTV mula sa himpilan ng Brigada News FM Kidapawan City hanggang sa lugar kung saan pinagbabaril patay ng riding in tandem suspects si Eduardo ”Kuya Ed” Dizon.
Iimbestigahan din ng team ang mga person of interest, mga taong nagbanta sa buhay ni Dizon na una niyang pina-blotter sa pulisya at ibang anggulo.
Matatandaan na papauwi na ang biktima sa kanyang tahanan sa Tejada Subdivision sa Makilala, Cotabato ngunit sa pagsapit nito sa harap ng Colegio de Kidapawan ay biglang dinikitan ng suspects at pinagbabaril ito gamit ang 9mm pistol.
Nagtamo ng limang tama ng bala sa katawan si Dizon kaya hindi na ito umabot ng buhay sa pagamutan.
Nanawagan naman si Birrey sa mga nakasaksi sa pamamaril patay sa biktima na maaring makipag-ugnayan sila sa pulisya para mapabilis ang pagresolba sa kaso.