ILOILO – Tiniyak ng Philippine Army na palakasin pa ang joint military at police operations sa Negros Oriental upang lansagin hindi lamang ang private armed groups kundi pati ang rebelde na mga grupo na banta sa seguridad ng mga residente at opisyal ng gobyerno.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Brigadier General Marion Sison, commander ng 3rd Infantry Division at head ng Special Joint Task Force Negros, sinabi nito na kaagad nag-simula ang operasyon ng special task force kasunod ng utos ni President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. na sugpuin ang lahat ng uri ng lawless violence at ibalik ang peace and order sa Negros Island.
May ipinadala rin ang Armed Forces of the Philippines na karagdagang elite unit o ang Light Reaction Company na may special training sa counterterrorism operations at involved rin sa Battle of Marawi.
Ang karagdagang pwersa ng militar ay kasunod ng bagong mga kason sa Negros Oriental na nadiskubrehan at iniimbestigahan ng gobyerno kasunod ng pagpatay kay Governor Roel Degamo.
Ayon kay Sison, aalamin pa ng task force kung may iba pang private armed groups na konektado sa grupo na pumaslang kay Degamo at sa walong ibang indibidwal eksaktong isang linggo na ang nakaraan.
Ipagpapatuloy pa raw ng special joint task force ang operasyon hanggang maibalik sa normal ang sitwasyon at ma-restore ang sense of security ng mga residente.