Magsasagawa ang Inter-agency Committee on Foreign Students ng special meeting para talakayin ang napaulat na pagdami ng Chinese students sa lalawigan ng Cagayan.
Ayon kay Bureau of Immigration spokesperson Dana Sandoval, posibleng isagawa ang pagpupulong ngayong araw Abril 22 o bukas, Abril 23.
Kabilang aniya sa posibleng talakayin ang mga hakbang na gagawin, ano ang mga kailangang palakasin pagdating sa koordinasyon ng mga ahensiya at pagbabahagi ng mga datos na nakalap mula sa ground.
Ayon pa sa BI official, binubuo ang naturang komite ng mga opisyal mula sa Deparment of Foreign Affairs, Philippine National police, National Bureau of Investigation at National Intelligence Coordinating Agency.
Ang hakbang na ito ng inter-agency committee ay kasunod ng pangamba ng ilang mambabatas sa napaulat na pagdami ng Chinese students sa mga kolehiyo at unibersidad sa Cagayan sa gitna ng pinaigting na tensiyon sa pagitan ng PH at China sa West Philippine Sea.