Pinaplano na ng Commission on Elections (Comelec) na dagdagan ang special polling precinct para sa indigenous people (IP) sa darating na May 2025 midterm elections.
Kabilang sa titingnan ng Comelec ay sa mga komunidad na may mataas na bilang ng mga botanteng katutubo.
Kasama na rito ang Palawan, Mindoro, Bulacan, Pampanga, Bukidnon at ilang lugar sa Visayas at Mindanao.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, pinakikilos na nila ang kanilang elections officers para sa posibilidad nito at pag-aralan ang mga maaaring gawing pagbabago.
Batid umano ng Comelec ang hirap at sakripisyo ng mga indigenous people para lamang makaboto tuwing eleksyon na kailangan maglakad pa ng napakalayo.
Una rito, inanunsyo ng poll body na inaprubahan na nila ang paglalagay ng special polling precinct para sa mga residente ng Sitio Kapihan sa Socorro, Surigao del Norte.
Matatandaang personal na nag-ikot si Garcia, kasama ang iba pang opisyal ng Comelec para magsagawa ng special voters’ registration sa Sitio Kapihan at iba pang IP communities.
Sa mga nakaraang halalan, naglagay na rin ng special voting centers ang Comelec para sa IPs pero iilan lamang ito.
Maging ang mga OFW, mga nakakatanda at ilang bilanggo ay bibigyan din ng tyansa na magkaroon ng maayos na pagkakataong makaboto.