LEGAZPI CITY – Ipapadala rin ang Quick Action Response Team o ang special rescue unit ng Bureau of Fire Protection (BFF) Bicol sa mga apektadong lugar ng pag-aalburoto ng bulkang Taal.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay BFP Bicol information officer F/Insp. Aramis Balde, nasa pitong tauhan at isang truck ng BFP ang ipapadala sa Batangas sa Enero 20 upang magbigay ng ayuda.
Nakatanggap aniya sila ng direktiba mula sa Department of Interior and Local Government (DILG) na kinakailangan ng karagdagang tao sa pagtulong.
Maliban sa BFP personnel, lahat aniya ng respondents ng Bicol na tinatawag na “One Bicol Team” ang kasama rin sa pagtungo sa lugar.
Kabilang sa gagampanang papel ng mga ito ang pagsusuplay ng tubig at paglilinis sa ilang lugar na may malaking volume ng ashfall, katuwang ang Department of Public Works and Highways (DPWH).
Mayroon din aniyang naka-standby na 30 pang tauhan sakaling kailanganin ng additional augmentation.