Inatasan ni PNP chief Gen. Dionardo Carlos si Police Regional Office (PRO) Calabarzon regional director B/Gen. Antonio Yarra na bumuo ng Special Investigation Task Group upang tutukan ang kaso sa pamamaril kahapon sa alkalde ng Infanta, Quezon na si Mayor Filipina Grace America.
Sinabi ni PNP Public Information Office chief B/Gen. Roderick Augustus Alba, na siniguro din ng PNP vhief ang availability ng lahat ng resources ng mga PNP National Support Units para sa imbestigasyon at pursuit operations tungo sa mabilis na resolusyon ng kaso.
Ayon kay Alba, kasalukuyang nagsasagawa ng checkpoint operations ang PNP sa Infanta, Quezon at mga karatig na lugar para maharang ang mga suspek sa insidente.
Sinisiyasat na rin aniya ng mga forensic investigators ang mga narekober na ebidensya sa pinangyarihan ng insidente sa Rizal corner Zamora Streets in Poblacion 1, Infanta, Quezon.
Si Mayor America, na reelectionist sa halalan, ay kasalukuyang ginagamot sa isang pribadong ospital sa Metro Manila, matapos na ilipad ng isang military aircraft kahapon ng hapon.
Nagtamo siya ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan matapos pagbabarilin ng mga hindi kilalang salarin ang kanyang sinasakyan itim na SUV habang pauwi sa kanyang bahay mula sa simbahan.