BAGUIO CITY – Aabot sa 1,600 na kadete ng Philippine Military Academy (PMA) ang hindi pa rehistrado bilang botante para sa 2022 National at Local Elections.
Inamin ito ni Commission on Elections (Comelec)-Baguio Election Officer Atty. John Paul Martin sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo sa gitna ng isang linggo na lang ang natitira bago ang deadline ng voters registration sa Setyemre 30.
Ayon sa kanya, kasali na sa ina-accommodate ng Comelec Baguio ang 50 kadete kada araw na nagpaparehistro maliban sa 300 na regular qouta ng ahensiya lalo na at tinatanggap parin nila ang mga registrants sa vulnerable sector na kinabibilangan ng mga senior citizens at persons with disabilities.
Ibinihagi pa ni Atty. Martin na hiniling ng PMA ang personal na pagpunta ng Comelec doon upang mairehistro lahat ng kadete pero hindi kakayin ng pwersa ng ahensia kaya iminungkahi niya ang 50 registrants kada araw mula alas-4:00 hanggang alas-7:00 ng gabi.
Samantala, sinabi pa niya na dahil sa araw-araw na koordinasyon ng PMA sa Comelec Baguio, posible na 450 mula sa 1,600 na kadeteng hindi pa rehistrado ang mairehistro nila para sa susunod na eleksion.
Nilinaw naman ni Atty. Martin na hindi special treatment ang on-site registration sa mga kadete ng PMA dahil isa lang ito sa mga partnership nga ahensia para sa implementasyon ng maayos na daloy ng eleksiyon.