Nanawagan ang pamunuan ng Western Mindanao Command (WESMINCOM) sa gobyerno at military leadership na sanay mapadalhan sila ng mga specimen collection kit ngayong may mga naitala ng Person Under Monitoring (PUM) at Person Under Investigation (PUI) dahil sa Covid-19.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Westmincom Commander Lt.Gen. Cirilito Sobejana na may ilang personnel na rin silang itinuturing na Person Under Monitoring (PUM) pero pawang mga asymptomatic ang mga ito.
Aniya, maliit na porsiyento lamang ang bilang ng kanilang personnel na under monitoring.
Binigyang-diin ni Sobejana na ang lubos na kailangan nila ngayon sa Western Mindanao ay yung specimen collection kit ng sa gayon makuhanan na ng samples ang mga PUI at maipadala na nila sa testing centers para makumpirma kung ang mga ito ay positibo sa COVID 19 virus o negatibo ng sa gayon mabigyan na ng karampatang medical attention ang mga nagpositibo sa virus at mabawasan na rin ang bilang ng mga tao na nasa mga quarantine controlled areas.
Dalawang testing centers lamang ang mayroon ang RITM sa Maynila at ang isa ay sa Davao City.
Sa ngayon, triple na ang ginagawa nilang pag-iingat lalo na sa pagtupad ng mga safety protocol sa lahat ng kanilang kampo para maiwasan kumalat ang virus.
May itinayong decontamination station sa mismong gate ng kanilang kampo.
Siniguro naman ni Sobejana na may sapat na protective gear ang mga sundalong nasa frontline lalo na ang mga nagmamando ng mga checkpoints.