Siniguro ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) na gaya ng opening ceremony, magiging makalaglag-panga rin ang pagsasara ng 30th SEA Games sa araw ng Miyerkules, Disyembre 11.
Sinabi ni PHISGOC chief operating officer Ramon Suzara sa pagtatanong ng Bombo Radyo, tatampok sa closing rites ng biennial meet ang international pop group na Black Eyed Peas at Pinoy international singer na si Arnel Pineda.
Paliwanag pa ni Suzara, isang celebration concert ang matutunghayan na kanila raw paraan para magpasalamat sa mga volunteers, media, at maging sa publiko na sumuporta sa hosting ng bansa sa SEA Games.
Hinihintay pa rin aniya nila sa ngayon kung makadadalo ba sa naturang seremonya si Pangulong Rodrigo Duterte.
Nakatakda ring koronahan sa okasyong gaganapin sa New Clark City Athletics Stadium sa Capas, Tarlac ang magiging overall champion, maging ang Best Male and Female Athlete ng palaro.
May ibibigay din aniyang Fair Play award sa isang bansa sa nabanggit na seremonya.
“It’s more of a celebration concert for the volunteers, the media, the athletes, and the general public,” wika ni Suzara.
Samantala, sinabi ni Suzara na maituturing na matagumpay ang hosting ng bansa sa SEA Games kahit na humarap sa ilang mga aberya, kasama na rin ang pananalasa ng Bagyong Tisoy kamakailan.
“Our sweat and prayers are all worth it. Even the typhoon cooperated with us. This success is for all the Filipino people and we want to thank them for the positive and negative reactions on the duration of the games,” ani Suzara.