OREGON – Nagsampa ng $5 million (katumbas ng mahigit P250-M) lawsuit si Dr. Bryce Cleary laban sa Oregon fertility clinic, matapos matuklasang nagkaroon ng pagkakamali sa paggamit ng kaniyang nai-donate na sperm.
Nabatid na dating estudyante si Cleary sa Oregon Health and Science University, 30 taon na ang nakakaraan.
Isa umano siya sa mga hinimok na mag-donate ng semilya para sa mga mag-asawang walang kakayahang magkaroon ng anak.
Pero nilabag umano ng clinic ang kanilang kasunduang hindi magbibigay ng kaniyang sperm sa mga nangangailangan sa kalapit na lugar.
Dagdag pa sa problema ay mayroon palang 17 naipanganak gamit ang kaniyang semilya, sa halip na lima lamang, na kanilang naging kasunduan.
Nangangamba si Cleary na baka mapangasawa ng kaniyang mga apo ang ilan sa mga kamag-anak na mula sa recipient ng kaniyang semilya.
Dahil sa natuklasan, kailangan na umano ng kaniyang mga apo na mag-DNA test bago makipag-date, para matiyak na hindi nila kaanak ang magiging karelasyon.
Isa sa mga natuklasang anak ni Dr. Cleary ay ang 25-anyos na si Allysen Allee, na gulat din sa natuklasang pangyayari. (CBS)