KALIBO, Aklan—Umaasa ngayon sa social media ang mga mamamayan ng South Korea bilang medium of communication kasunod ng paglala ng kaso ng mga natamaan ng coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay Bombo International Correspondent Peter Baltazar Teodosio na isang pastor sa Incheon City, Seoul, South Korea, nangingibabaw ang “spirit of fear” sa mga tao dahil araw-araw ay may namamatay sa nasabing bansa.
Sa facebook na lamang umano nagsasagawa ng misa ang pamunuan ng mga simbahan dahil wala na halos nagsisimba sa takot na madapuan ng nakamamatay na sakit.
Bago aniya makapasok sa trabaho ang mga empleyado ay kailangan na sumailalim ang mga ito sa thermal scanner upang i-check ang kanilang body temperature gayundin bawal ang makipag-usap kapag walang mask at bawal humawak sa isa’t isa.
Ang mga kaanak umano ng lahat ay sa facebook na lamang nag-uusap dahil pinagbabawalan ang kahit anong pagtitipon upang maiwasan na kumalat pa ang virus.
Sa kasalukuyan, mayroon nang 334 na bagong kaso ng COVID-19 sa South Korea dahilan upang umakyat ang kabuuang bilang sa 1,595.