Mistulang dumadaan sa butas ng karayom ang kampanya ng Miami Heat para makahabol sa huling biyahe sa Final 8 sa NBA playoffs matapos na masilat ng Minnesota Timberwolves, 109-111.
Una rito, sumandal ang Miami sa kanilang magreretirong beterano na si Dwayne Wade para sa huling segundo na diskarte pero sumablay pa.
Kung naipanalo ni Wade ang laro ay napantayan sana ng Heat (38-41) ang eight spot sa Eastern Conference kasama ang Brooklyn at Detroit (39-40).
Bago ito, nakagawa ng steal si Wade at naipasok pa ang kanyang layup para dumikit sila ng isang puntos na may 10 segundo ang nalalabi.
Daglian naman itong sinagot ni Timberwolves (36-43) rookie Keita Bates-Diop sa pamamagitan nang pagbuslo ng isa sa dalawang free throws.
Dito na nagkaroon nang tiyansa si Wade sa final shot pero bumalandra lamang ito sa
sa rim ng ring.
Aminado naman ang Fil Am Heat head coach na si Erik Spoelstra na kung papasok ang isang team sa playoffs dapat kayang malampasan ang matinding “pressure games.”
Sa kabuuan si Wade ay nagtapos sa 24 points kung saan sa first half ay siya ang bidang bida na may 21 points gamit ang 7-of-9 shooting.
Sa panig naman ng Wolves na nakahinga nang maluwag sa sumablay na last second shot ni Wade ay nanguna si Karl-Anthony Towns na may 13 points at 12 rebounds, si Dario Saric ay nagpakawala ng 19 points at sina Andrew Wiggins ay may 18 habang si Gorgui Dieng ay nagdagdag ng season-high na 19 mula sa bench.
Matapos ang laro ay nakipaglitan ng jersey si Wade kay Towns.
Sa Lunes haharapin ng Heat ang Toronto para sa tatlong natitirang games bago ang April 13 playoffs.
Host naman ang Timberwolves sa game nila ng Oklahoma.