Inirekonsidera ng mababang kapulungan ng Kongreso ang second reading approval ng 2021 proposed P4.5-trillion national budget.
Ito ay para muling maipagpatuloy ang sponsorship at debate pati na rin ang period of amendments na natigil nang magmosyon si dating Speaker Alan Peter Cayetano na aprubahan sa ikalawang pagbasa ang 2021 General Appropriations Bill (GAB) noong nakaraang linggo.
Sa kabila ng pagrerekonsidera sa budget approval, tiniyak naman ni House Committee on Appropriations Vice Charman Joey Sarte Salceda na magiging mabilis ang pag-apruba sa GAB, na sinertipikahang urgent ni Pagulong Rodrigo Duterte noong nakaraang linggo.
Sa darating na Biyernes aniya, target nilang maaprubahan ang 2021 budget.
Ilang kongresista ang umapela sa mga nakalipas na araw na muling buksan ang plenary debates sa panukalang pondo upang sa gayon ay mabusisi ng husto ang nilalaman nito.
Mahalaga rin aniya na matiyak na wasto ang alokasyon sa iba’t ibang sektor at ahensya ng pamahalaan alinsunod sa itinatakda ng Saligang Batas.
Sa ngayon, 18 ahensya pa ng pamahalaan ang hindi pa natatalakay ang budget sa plenaryo ng Kamara.
Pero habang tinatalakay sa plenaryo ang budget, sinabi ni Salceda na patuloy na kikilos naman ang small committee na binuo para tumanggap ng amiyenda mula sa mga kongresista.
Sa ganitong paraan ay mapapbilis aniya ang approval ng budget.
Kaugnay nito, umapela nang pagkakaisa si Velasco sa mga kasamahan niya sa Kamara upang sa gayon ay maisakatuparan ang pangakong maaprubahan on time ang 2021 budget.