-- Advertisements --

Naipilit ng San Antonio Spurs na maipuwersa sa do-or-die Game 7 ang kanilang first round playoff series ng Denver Nuggets.

Ito’y matapos dominahin ng Spurs ang Nuggets sa iskor na 120-103, sa likod ng 26 points ni LaMarcus Aldridge.

Hindi rin nagpahuli si DeMar DeRozan na tumabo ng 25 points para iligtas din ang San Antonio mula sa malahalimaw na 43-point, 12-rebound performance ni big man Nikola Jokic.

Kinailangan ng Spurs na magtagumpay upang maipagpatuloy ang serye makaraan ang kanilang malamyang 108-90 pagkabigo sa Denver nitong Miyerkules kung saan lumamang ang Nuggets ng hanggang 30 puntos.

Dadalhin sa Denver ang Game 7 kung saan inilista rin ng Nuggets ang best home record ng NBA noong regular season.

Ang magwawagi sa banggaan ng dalawang mga koponan ang siyang makakatunggali naman ng Portland Trail Blazers, na una nang nakausad sa semifinals nang biguin nila ang Oklahoma City Thunder.