Tinambakan ng San Antonio Spurs ang nangungunang koponan ngayon na Milwaukee Bucks, 126-104, para ipaghiganti ang kanilang nakaraang talo sa loob ng At&T Center.
Naging solido ang game plan ni head coach Gregg Popovich sa huling yugto ng laban upang makontrol ang naghahabol na Bucks.
Epektibo rin sa opensa si Demar DeRozan na umiskor ng 25 puntos at may pitong assists sa 11-15 na field goal.
Pumutok din mula sa bench ang three-point specialist na si Patty Mills na may 21 puntos kasama ang anim na tres.
Hindi rin hinayaan ng Spurs na matalo sila sa paint matapos kumuha ng 54 rebounds kontra sa 34 ng Bucks.
Dahil sa panalo naging tabla ang resulta ng magkasunod na laban ng Spurs at Bucks matapos makuha ng Milwaukee ang unang laban, 127-118.
Nalimitan din ang reigning MVP at ang Player of the Week na si Giannis Antetokounmpo na may 24 na puntos matapos bigong maka-shoot ng tres sa loob ng limang attempt.
Bagama’t talo ay hawak pa rin ng Bucks ang best record sa NBA na may 32 wins at six losses samantalang naghahabol sa .500 winning percentage ang Spurs na ngayon ay may 15-20 na record.