-- Advertisements --
MAKATI SPUTNIKV CHRISTIAN BOMBO 3
IMAGE | A vaccinator in Makati Coliseum vaccination site prepares an ampoule of the Sputnik V vaccine/Photo by Christian Yosores

MANILA – Naniniwala ang mga scientist sa Pilipinas na ligtas na panlaban sa pandemic na coronavirus disease ang COVID-19 vaccine na gawang Russia, na Sputnik V.

Ito ang sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire, matapos simulan nitong Martes ang pagbabakuna gamit ang naturang vaccine brand.

“Sabi ng vaccine expert panel (VEP), generally safe ang Sputnik V, based on their evaluation,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Limang lungsod sa Metro Manila muna ang naghati-hati sa 15,000 doses ng Sputnik V na dumatig noong Sabado.

Batay sa datos ng DOH, 2,634 na indibidwal mula sa priority group ng Paranaque City (2,100), Maynila (165, mostly healthcare workers), at Makati (369) ang nabakunahan kahapon.

Ngayong araw naman magsisimula ang pagbabakuna ng Russian vaccine sa mga piling vaccination sites sa Taguig at Muntinlupa City.

Ayon kay Vergeire, karaniwan naman ang side effects na nakita ng VEP sa mga datos na ibinigay ng Gamaleya Research Institute, ang nag-develop ng Sputnik V vaccine.

“Commonly yung pain sa inoculation site, and more common symptoms sa ibang bakuna na parang tinatrangkaso, masakit ang katawan at masakit ang ulo.”

Bagamat inisyal na supply ng Sputnik V pa lang ang dumadating sa bansa, tiniyak ni Vergeire na makakatanggap ng naturang bakuna ang mga interesadong maturukan nito.

Pahayag ito ng opisyal matapos magreklamo ang ilang residente ng Paranaque City na hindi naturukan kahapon ng Russian vaccine.

“Ang nangyari siguro may ibang kababayan na nagpunta doon (sa vaccination site) that they were not part of the schedule, although ang Paranaque government kahapon, nung nakita nilang mayroon pa silang sobra aside from masterlisted, nagpamigay pa rin, kaya lang hindi na in-expect na ganoon karami ang pupunta.”

“Huwag kayong mag-alala, mayroon pa tayong mga bakuna na dadating. Lahat ng eligible ay mabibigyan ng bakunang ito.”