Maganda umano ang resulta ng isinasagawang trial testing sa Russia kung saan sinusuri ang pagiging mabisa ng pagtuturok muli ng Sputnik V vaccine laban sa bagong mga mutation ng coronavirus.
Noong nakalipas na buwan nang ipag-utos ni President Vladimir Putin ang pag-review sa bakunang gawa ng Russia upang makita ang pagiging epektibo nito laban sa bagong mga variants na kumakalat sa ibang bahagi ng mundo.
Ayon kay Denis Logunov, deputy director ng Gamaleya Center sa Russia na siyang nag-develop ng Sputnik V, sa pag-aaral na kanilang isinasagawa, lumalabas na epektibo ang revaccination ng naturang bakuna laban sa mga bagong coronavirus mutation, tulad ng UK at South African strain.
Inaasahan namang ilalabas ang resulta ng trial sa mga susunod na araw, ngunit ito ang unang indikasyon kung ano ang nangyayari sa ginagawang pagsusuri.
Ang mga tinatawag na viral vector shots – tulad ng Sputnik V at bakunang gawa ng AstraZeneca – ay gumagamit ng harmless modified virus bilang vehicle o vector upang magdala ng genetic information na nakatutulong sa katawan ng tao na magkaroon ng immunity laban sa COVID-19.
Ang revaccination ay gumamit ng kaparehong Sputnik V vaccine, base sa kahalintulad na adenovirus vectors.
Ilang mga siyentipiko naman ang nababahala na posibleng magkaroon din ng immunity ang katawan sa mismong vector.
Pero ayon sa mga developers ng Sputnik V, hindi naman daw ito magdudulot ng pangmatagalang problema.
“We believe that vector-based vaccines are actually better for future revaccinations than vaccines based on other platforms,” wika ni Logunov. (Reuters)