Hinatulang ‘guilty’ ang Squid Game actor at Korean star na si O Yeong-su sa kasong sexual misconduct laban sa isang aktres sa South Korea.
Ito ay kinumpirma ng local court sa nasabing bansa noong Biyernes, March 15 matapos siyang sampahan ng reklamo hinggil sa sekwal na pang-aabuso ng sikat na aktor sa isang babae noong 2017.
Ayon sa report ng Suwon District Court sa Seongnam Branch, nangyari ang kahindik-hindik na pang-aabuso nang manatili ito sa isang rural area para sa isang theatre performance sa taong 2017.
Mariin naman itong itinanggi ng aktor ngunit nanaig pa rin ang reklamo ng naabusong aktres dahil ayon kay Judge Jeong Yeon-ju naging consistent umano ang mga salaysay ng babae at malabong masabi iyon nang hindi mismo personal na naranasan.
Dahil dito ay sinentensyahan ang aktor ng halos walong buwan na pagkakakulong at nasuspinde ng dalawang taon sa entertainment industry.
Bukod dito ay inatasan din ng korte ang actor na dumalo ito sa 40 hours classes patungkol sa sexual violence.
Kung maalala, nakilala ang Korean Star actor sa buong mundo matapos niyang bumida at gumanap bilang Player 001 sa sikat na Korean series na “Squid game’.