Inanunsyo ngayong araw ng Sugar Regulatory Administration (SRA) ang planong pag-export ng 25,000 metrikong tonelada ng raw sugar sa United States hanggang Agosto 2024.
Paliwanag ni SRA Administrator Pablo Luis Azcona, kailangang dumating ang naturang mga produkto sa US hanggang Setyembre, kayat pagsapit ng Agosto ay nasimulan na ang pag-biyahe sa mga ito.
Nananatili aniyang mataas ang buying price sa US at maraming exporter na rin ang umaasang makaka-pagbenta sila sa naturang bansa. Ito ay taliwas sa dating nangyayari kung saan ay mas mababa ang qouta price sa US kaysa sa domestic price kayat pinipili ng bansa na hindi mag-export dito.
Paliwanag ng SRA Chief na ginagawa ang pag-export ng raw sugar sa US upang ma-stabilize ang local price ng asukal sa Pilipinas lalo na kung nagkakaroon ng over production sa asukal.
Ito ay kadalasang nangyayari sa mga buwan ng Enero, Pebrero, at Marso, kung kailan nasa peak ng milling season.
Ang produksyon sa mga naturang buwan, ayon kay Azcona, ay labis na mas mataas kaysa sa kayang i-konsumo ng bansa kayat upang hindi bumaba ang presyo ay ibinebenta na lamang sa US.
Ayon pa kay Azcona, una nang nakipag-ugnayan ang SRA sa US upang ipagbigay-alam na hindi kaya ng bansa na tugunan ang 143,000 MT na sugar qouta nito at sa halip ay hanggang 25,000 MT lamang, bagay na tinanggap naman ng naturang bansa.
Sa kasalukuyan, mayroon ng sugar export order na nabuo ang SRA ay naipadala na rin sa mga stakeholders para sa kanilang komento.
Ayon sa SRA Chief, maaaring maisapinal ngayong buwan ng Hulyo ang naturang order.