Pinag-aaralan na ng Sugar Regulatory Administration (SRA) ang direktang pagbili ng asukal mula sa mismong mga magsasaka upang matugunan ang patuloy na pagbaba ng framgate price.
Ayon kay SRA Administrator Pablo Azcona, ‘seryoso’ itong ikinukunsidera ng ahensya dahil na rin sa patuloy na hinaing ng mga mag-aasukal sa bansa, dala ng mababang farmgate price.
Sa ilalim ng inisyal na plano ng ahensya, bibilhin nito ang mga asukal mula mismo sa mga magsasaka sa pamamagitan ng mas mataas na presyo.
Ilalabas din nito ang mga sukal sa merkado, kung saan ay ililimita na lamang ng ahensiya ang presyuhan sa retail. Sa ganitong paraan ay makikinabang ang mga konsyumer at mga magsasaka.
Sa kasalukuyan ay umaabot na lamang umano sa P2,390 hanggang P2,500 ang kada 50-kgs ng asukal.
Ayon sa SRA, dapat ay mula P2,700 hanggang P3,000 ang kada 50kgs ng asukal upang magkaroon ng maayos na kitaan ang mga magsasaka.
Maliban sa direktang pagbili, plano rin ng ahensiya na ilapit ang iba pang ahensiya sa mga magsasaka upang sila rin ang bibili ng asukal mula mismo sa mga magsasaka o mga farmer organizations.
Sa ganitong paraan, umaasa ang SRA na maaabot ang hanggang sa P85 kada kilo na presyuhan ng asukal sa retail market.