Nagbabala ang Sugar Regulatory Administration (SRA) sa posibleng banta sa kalusugan ng pagkonsumo ng magic sugar.
Binigyang-diin din ni SRA Administrator Pablo Azcona na ang sugar concentrate na isang artificial sugar ay 100% na imported at hindi nila alam kung sino ang nagre-regulate ng naturang produkto.
Aniya, ang pinakaunang concern nila ay ang kalusugan ng consumer at kung saan nga ba nagmumula ang magic sugar. Kailangan daw nilang alamin kung ang naturang chemical sweetener ay naglalaman ng mataas na fructose corn syrup.
Ibinahagi rin ni Azcona na kalimitan itong ginagamit sa mga palamig sa kabila ng pangamba na ito ay smuggled sa Pilipinas at hindi dumaan sa proseso para makapasok ng bansa.
Taong 2000 ng i-ban o ipagbawal sa Pilipinas ang paggamit ng magic sugar dahil sa epekto umano nito sa kalusugan.
Lumabas kasi sa mga pag-aaral noon na nagiging sanhi ito ng urinary bladder tumors.
NGunit taong 2013 ng alisin ng Food and Drug Administration ang ban order sa magic sugar dahil aprubado na umano ito sa mahigit 100 bansa kabilang na ang Europa, Canada, at Australia.
Ilang health organizations na rin ang nagsabing walang safety concerns ang paggamit ng magic sugar kaya naman napabilang na rin ito sa listahan ng food additive ng CODEX Alimentarius Committee.