-- Advertisements --

Pinag-aaralan ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na mag-export ng asukal sa Estados Unidos.

Una rito ay nagpahayag ng kanilang pagnanais ang mga local traders at millers sa bansa na maglaan ng sapat na volume ng asukal na maaaring ipa-angkat sa ibang bansa.

Ayon kay SRA Administrator Pablo Azcona, sumulat na sila sa United States Department of Agriculture (USDA) at hiniling na makapag-export ng asukal ang Pilipinas, patungo sa US.

Aabot sa anim hanggang walong traders at mga producer ang nag-boluntaryong mag-export ng asukal sa US. Ang mga ito aniya ay kayang makapag-deliver ng hanggang 30,000 metriko tonelada hanggang 60,000 metriko tonelada ng asukal.

Sa kabila nito, ibinunyag ni Azcona na ayaw ng mga magsasaka ng bansa na maglaan ng produktong asukal para ibenta sa US.

Mas mababa kasi aniya ang presyo ng asukal na ibebenta sa US kumpara sa presyuhan ng asukal dito sa bansa.

Samantala, kailangan namang i-convert ng mga miller at trader ang kanilang ginagawang asukal sa asukal na akma sa US. Para magawa ito, sinabi ni SRA Administrator Azcuna na kailangan ng mga ito na makipag-ugnayan sa mga lisensyadong US exporter at kumuha ng teknikal na kaalaman mula sa kanila.

Ayon pa rin kay Azcona, maglalabas ang ahensiya ng isang sugar order sa mga susunod na araw para sa tamang conversion ng mga locally-produced na asukal patungong export-quality para sa US.