Plano ng pamahalaan na tanggalin pansamantala ang 300,000 metriko tonelada ng raw sugar mula sa domestic market circulation upang mapataas ang farmgate price ng asukal.
Sinimulan ng Sugar Regulatory Administration (SRA) board ang deliberasyon nito para sa implementasyon ng naturang plano, kasama na ang konsultasyon sa mga industry stakeholder.
Sa inisyal na draft sugar order, plano ng SRA na bibili ng hanggang 300,000 MT ng raw sugar sa pamamagitan ng first come, first served basis.
Ang asukal na mabibili sa ilalim ng naturang programa ay pansamantalang tatanggalin sa domestic market sa loob ng 90 araw upang pansamantalang mabawasan ang supply.
Sa pamamagitan nito ay umaasa ang ahensiya na mapapataas ang farmgate price ng asukal at matutulungan ang mga sugarcane farmer.
Katwiran ng ahensya, walang ibang layunin ang bagong plano kungdi matiyak na may sapat na supply ng asukal at magkaroon ng risonableng farmgate price habang pinapanatili ang akma at makatwirang presyo sa retail level.
Unang ginawa nitong nakalipas na taon ang naturang programa na tinawag na voluntary purchase program at natukoy bilang epektibo.
Ayon sa SRA, ang ikalawang round nito ay ikinukunsidera nila ang kasalukuyang presyuhan ng asukal, datus sa sugar industry, at bilang paghahanda na rin sa inaasahang peak production sa susunod na tatlong buwan.
Sa ngayon, hindi pa pinal ang volume na planong bilhin ng pamahalaan at posibleng magbabago ba bago ang tuluyang paglabas nito.