-- Advertisements --

Sinusuri na ng Sugar Regulatory Administration (SRA) ang lawak ng pinsala sa sugarcane plantations sa Negros Islands na tahanan ng pinakamalaking sakahan ng tubo sa bansa.

Ito ay kasunod ng pagsabog ng bulkang Kanlaon kahapon.

Ayon kay SRA Administrator Paul Azcona, kinailangang lumikas ng kanilang personnel sa research center na nasa paanan ng Kanlaon.

Hindi naman naiwasan ng opisyal na mangamba sa epekto ng pagsabog ng bulkan sa produksiyon ng asukal sa bansa. Aniya, may inisyal na report kung saan isa sa apektado ng pagsabog ang La Carlota na isa sa pinakamalaking lugar para sa mga tubo. Nasa La Carlota din aniya ang pinakamalaking sugar farmer association sa buong Pilipinas na nagpo-produce ng halos 10 porsyento ng national production.

Sinabi din ni Adm. Azcona na noong nakaraang pagsabog ng bulkan, minimal lang ang naging pinsala dahil natanggal ng mga pag-ulan ang abong kumapit sa mga sugarcane leaves.

Tiniyak naman ng SRA na tutulungan nila ang mga apektadong sugar farmers gamit ang maiipon o matitipid mula sa mas pinasimpleng paraan ng pagdiriwang ng Pasko ngayong taon.