CAGAYAN DE ORO CITY – Kinumpirma ng isang Pinay worker sa Sri Lanka na apektado na ang buong working force partikular sa kabisera nila na Colombo.
Ito ay kasunod ng anim na pagsabog ng mga bomba na naka-target sa tatlong Catholic church at maging sa five star hotels na nakabase sa Colombo.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ng overseas Filipino worker na si Lorna Hettiarachy, nakapag-asawa ng Sri Lankan, na bagama’t hindi naglabas ng kautusan ang gobyerno subalit kusang hindi pumasok sa mga trabaho ang mga empleyado dahil sa sobrang peligro sa mga pang-publikong lugar.
Sinabi ni Hettiararchy na nasa 10 porsiyento lamang ng mga empleyado ang pumasok dahil ang karamihan ay namamalagi muna sa bahay upang matiyak ang kaligtasan.
Inihayag pa nito na maliban sa mga sumabog na bomba sa Saint Anthony, Saint Sebastian, at Saint Zion Catholic Churches gayundin sa tatlong five star hotels, nakakalat pa ang ibang mga eksplosibo kaya delikado sa seguridad ng mga sibilyan.
Katunayan, sinuspinde rin ng gobyerno ang buong klase ng elementarya hanggang sa mga unibersidad.