Ipinag-utos ni Sri Lankan president Maithripala Sirisena ang panibagong imbestigasyon ukol sa nangyaring suicide bombings noong Abril na ikinamatay ng nasa 258 katao.
Ito’y matapos maghayag ng pagkabahala ang Simbahang Katolika na hindi raw independent ang kasalukuyang mga pagsisiyasat na isinasagawa ukol sa trahedya.
Una nang sinisi ng gobyerno ang isang local jihadi group na National Thowheeth Jama’ath (NTJ) sa naganap na pagpapasabog sa tatlong simbahan at tatlong luxury hotels, habang inako rin ng Islamic State ang responsibilidad sa pangyayari.
Ayon kay Sirisena, mayroong malawak na kapangyarihan ang komisyon upang mangalap ng ebidensya ukol sa mga responsable sa pamomomba.
Ang 5-member panel ay pamumunuan ng isang mahistrado mula sa Court of Appeal at kasama na rito ang tatlong iba pang mga hukom at retiradong civil servant.
Kailangan nilang maibigay ang kanilang mga rekomendasyon sa loob ng tatlong buwan. (AFP)