COLOMBO – Pinalawig pa ni Sri Lankan President Maithripala Sirisena ang state of emergency sa kanilang bansa ng isa pang buwan kaugnay pa rin sa nangyaring serye ng pamomomba sa kanilang bansa noong Abril.
Ibig sabihin, maipagpapatuloy ng mga security agencies ang kanilang emergency powers na magdetine at tanungin ang mga suspek kahit na walang utos mula sa korte.
Paliwanag ni Sirisena, ito raw para sa interes ng seguridad ng publiko at sa pagpapanatili ng kaayusan sa kanilang bansa.
Mahigit sa 100 mga suspek na ang inaresto ng pulis at militar ng Sri Lanka sa crackdown na kanilang inilunsad matapos ang pagsalakay ng mga Islamist militants.
Ayon sa mga otoridad, napigilan na raw ang banta ng mas marami pang pag-atake at nakalas na rin daw ng security services ang karamihan sa network na may kaugnayan sa pamomomba.
Gayunman, patuloy pa rin ang kanilang mga operasyon upang mahuli ang mga nagtatago pang suspek.
Matatandaang kumitil ng mahigit 250 katao ang naganap na pagpapasabog sa mga hotel at simbahan noong Easter Sunday. (Reuters)