-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nakarekober ang mga otoridad ng isa pang pipe bomb sa loob ng Colombo International Airport sa Sri Lanka matapos ang serye ng mga pamomomba sa ilang mga simbahan at hotel sa Colombo.

Ito ang kinumpirma ni Bombo International Correspondent Narada Dissanayake, ang tagapagsalita ng Sri Lanka Freedom Party na pinamumunuan ng kasalukuyang presidente ng Sri Lanka na si Maithripala Sirisena.

Ayon kay Dissanayake, matapos ang madugong insidente ay agad isinailalim sa state of emergency ang buong bansa kung saan walong indibidwal na ang inaresto na may kinalaman sa pamomomba.

Kaugnay nito, isa ang Islamic State of Iraq and Syria o ISIS sa mga itinuturong nasa likod ng pag-atake na tinawag ding pinakamadugong religious attack sa bansa.

Napag-alaman na nasa 290 na ang patay habang nasa 500 naman ang sugatan.

Sa nasabing bilang, 30 ang mga foreigners na nagmula sa England, Belgium at Estados Unidos, ngunit masuwerteng walang Pinoy na nadamay.