ILOILO CITY – Inamin umano ng gobyerno ng Sri Lanka na nagpabaya sila kung kaya’t nangyari ang easter bombing sa kanilang bansa kung saan mahigit sa 300 ang namatay at ikinasugat ng higit sa 500 katao.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Bombo international correspondent Christine Octaviano Abeykoon, direkta sa Colombo, Sri Lanka, iniulat nito na sinabi mismo ni Deputy Defence Minister Ruwan Wijewardene, nakatanggap sila ng intelligence warning mula sa bansang India patungkol sa planong pang-aatake sa kanilang mga simbahan at mga high end hotels.
Malinaw ayon kay Abeykoon na target ng mga attackers ang mga matataong lugar at isinabay pa sa Linggo ng pagkabuhay kung saan marami ang mga nagsisimba.
Ngunit ayon kay Abeykoon, hindi ito pinagtuunan ng pansin ng mga otoridad at hindi rin naipaalam sa mga kinauukulan.
Sinisi naman ni President Maithripala Sirisena ang defence secretary at inspector general of police sa kanilang bansa dahil hindi napigilan ang nangyaring pambobomba.
Sa ngayon nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad kung may kaugnayan nga ang teroristang Islamic State (IS) sa nangyaring pag-atake.
Napag-alaman na walo sa siyam na mga attackers ay natuklasan na mga Sri Lankan citizens.