(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Nananawagan na rin umano ngayon ang mga residente na kusang mag-resign na sa kanilang mga puwesto sina Sri Lankan President Maithripala Sirisena at Sri Lankan Prime Minister Ranil Wickremesinghe.
Ito ay may kaugnayan sa inisyal na resulta ng imbestigasyon ng mga otoridad na kagagawan ng teroristang Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) gamit ang local radical group na komikontra sa liderato ng Sri Lankan government ang nasa likod ng sunod-sunod na pagpapasabog ng mga bomba sa kabisera na Colombo.
Iniulat sa Bombo Radyo ng international correspondent Lorna Hettiarachy, lubhang dismayado raw ang mga Sri Lankan citizens matapos na malusutan ang gobyerno ng mga terorista kung saan tatlong Catholic churces at ilang mga hotels ang tinamaan ng mga sumabog na mga bomba noong Easter Sunday celebration.
Sinabi ni Hettierachy na bagamat hindi nakapaglunsad ang mga residente ng protest rallies dahil sa sobrang peligro sa mga pampublikong lugar subalit batid ng Filipino community ang pagkadismaya ng mga Sri Lankans.
Magugunitang lalo pang humigpit ang seguridad nang ipinatupad ang state of emergency sa buong bansa kung saan nagkalat ang libu-libong mga pulis at sundalo sa mga lugar na madalas puntahan ng mga tao.
Napag-alaman na patuloy ang paglobo ng bilang ng mga biktima na tinamaan ng mga bomba kung saan higit 300 na ang kumpirmado habang daan-daan pa ang naka-confine sa magkakaibang pagamutan dahil sa malagim na pangyayari.