Inihayag ng Social Security System (SSS) na matatanggap na ng kanilang milyon-milyong pensiyonado ang kanilang 13th month at 2021 December pensions sa unang linggo ng susunod na buwan.
Sinabi ni SSS president at CEO Aurora Ignacio, kabuuang P27.5 bilyon ang ire-release na halaga ng SSS para sa 2021 December at 13th month pensions ng 3.14 milyong pensiyonado nito.
Gagawin ng kagawaran ang pag-release ng pensions sa mga pensiyonado na gumagamit ng Philippine Electronic Fund Transfer System and Operations Network (PESOnet), mga bangko o e-wallets, remittance transfer companies o cash payout outlets mula Dec. 1-4.
Para naman sa mga pensiyonadong gumagamit ng non-PESONet participating bank, ang kanilang 2021 December at 13th month pensions ay maike-credit sa kanilang account ng hindi lalampas ng Dec. 4.
Sa ngayon, nakipag-ugnayan na rin ang kagawaran sa Philippine Postal Corporation para mapabilis ang paghatid ng 2021 December at 13th month pensions ng mga pensiyonadong gumagamit ng tseke sa pagtanggap nito.
Kung maaalala, taong 1988 nang magsimulang magbigay ng 13th month pension ang SSS sa mga pensiyonado nito tuwing Disyembre bilang dagdag regalo para sa Kapaskuhan.