Inilatag ng Social Security System ang iba’t ibang mga benepisyo na inaalok at maaaring makuha ng mga manggagawang naghuhulog ng kani-kanilang kontribusyon sa ahensya.
Ito ay inilahad ni Social Security System Vice President of National Capital Region North Group Fernan Nicolas matapos niyang paalalahanan ang mga Pilipino na magbayad ng kanilang contribution upang magamit ang mga benepisyo sa oras ng kanilang pangangailangan.
Ilan sa mga ito ay ang retirement, sickness, at maternity benefit.
Bukod dito, ani Nicolas, may mga programa rin silang inilunsad upang makatulong sa mga miyembrong nahihirapang maghulog dahil lubos silang naapektuhan ng Covid-19 pandemic.
Mayroong installment program kung saan nagbibigay ang ahensya ng pagkakataon sa mga miyembro nito na magbayad sa SSS sa pamamagitan ng installment o hulugan.
Samantala, bukas naman daw ang kanilang tanggapan para sa mga bagong empleyado na nais kumuha ng kanilang SSS number upang makapag-umpisang maghulog at mangyaring pumunta na lamang sa kanilang ahensya upang hindi rin mabiktima ng talamak na online scam at hindi manakaw ang kanilang personal na impormasyon.