Nagpaalala ang state-run pension fund na Social Security System (SSS) na maaaring mag-avail ng salary at pension loans ang mga miyembro at pensioner na apektado ng pananalasa ng bagyong Kristine.
Ayon sa pension fund, maaaring mag-apply ang SSS members ng loan kapag nakapaghulog ng kontribusyon sa loob ng 36 na buwan, kung saan ang 6 dito ay sa loob ng huling 12 buwan.
Kung nais namang mag-avail ng 2 buwang salary loan, dapat na nakapaghulog ng 72 kontribusyon.
Dapat din na nasa edad na 65 anyos pababa sa oras na nag-apply ng loan at hindi pa nabibigyan ng anumang pinal na benepisyon gaya ng total disability, retirement o death benefits.
Para naman sa mga retiree-pensioners, maaaring mag-apply para sa SSS pension loan na katumbas ng 3 hanggang 12 beses ng kanilang basic monthly pension kabilang ang P1,000 na karagdagang benepisyo subalit hindi lalagpas sa maximum na P200,000.
Maaaring isumite ang salary loan application online sa pamamagitan ng My.SSS Portal. Maaaring bayaran ang loan sa loob ng 2 taon sa pamamagitan ng 24 na monthly amortization na may taunang interest rate na 10%.