Pinayuhan ng pamunuan ng Social Security System (SSS) ang kanilang mga miyembro na maghanda para sa adjustments na gagawin sa kanilang buwanang kontribusyon.
Sinabi ni Luisa Sebastian, Vice President for Public Affairs and Special Events ng SSS, na itinatakda ng Republic Act No. 11199 ang karagdagang kontrobusyon mula sa kanilang mga miyembro sa oras na magkabisa ang naturang batas sa darating na Marso 5.
Sa isang panayam, sinabi ni Sebastian na ang contribution adjustments na kanilang ipapatupad ay para palakasin ang viability ng pondo ng ahensya.
Ngayong 2019, 1 percent ang magiging adjustment sa kasalukuyang 11 percent na kontribusyon.
Iginiit ni Sebastian na mas malaking benepisyo sa hinaharap ang matatamasa ng kanilang mga miyembro dahil sa hakbang na ito.
Nabatid na sa ilalim ng bagong batas na ito na nilagdaan kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte, covered na rin ng SSS ang mga overseas Filipino workers (OFW).