-- Advertisements --

Nanawagan ang Social Security System (SSS) sa mga delinquent employers na hindi nagre-remit ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado na may hanggang Setyembre 1 na lamang sila para sa inialok nilang condonation o amnesty program.

Sinabi ni SSS acting Senior Vice President Antonio Argabioso, marami pa ring mga kompanya ang hindi tumutugon sa kanilang condonation program simula nang ilunsad ito noong nakalipas na Marso 5.

Ayon kay Argabioso, sa 132,000 kompanyang nasa listahan ng mga delinquent employers, nasa 15,000 pa lamang ang nag-avail ng amnesty.

Binigyang-diin ni Argabioso na wala silang itinakdang petsa sa kung anong taon dapat magsimula ang maaaring maging saklaw ng amnestiya kaya kahit deka-dekada na ang atraso ng isang employer ay maaari pa ring maka-avail ng condonation.

Ipinaalala ni Argabioso na anim hanggang 12 taong pagkakakulong ang parusang naghihintay sa mga pabayang employer.

Maliban pa rito ang dapat nitong bayarang penalty, habang babalikatin din ng mga ito ang lifetime pension ng kanilang mga retired employees kung hindi aayusin ang atraso nila sa SSS remittance.