LEGAZPI CITY – Dumipensa ang Social Security System (SSS) matapos na mapangalanang isa sa mga frontline agencies na matagal umanong makipagtransaksyon sa publiko.
Sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte, binantaan nito ang Land Transporation Office (LTO), SSS, Bureau of Internal Revenue (BIR), Land Registration Authority (LRA), at Home Development Mutual Fund (Pag-IBIG), na simplehan ang mga transaksyon na tinawag nitong “perennially slow.”
Paliwanag ni SSS-Legazpi Branch spokesperson Jeanette Mapa sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, taong 2013 pa ipinatupad sa ahensya ang electronic services subalit batid na posibleng kaunti lamang ang nakakaalam nito.
Sa tulong ng electronic services, maaari nang makapag-inquire online ang mga miyembro sa contribution, salary loan, retirement, maternity benefits at iba pang programa.
Nabatid na 500 hanggang 1,000 members ang kaharap ng mga SSS personnel sa daily average, habang nadi-delay naman ang transaksyon kung kulang-kulang ang mga ipinapasang dokumento ng member.
Ayon pa kay Mapa, tuloy-tuloy din ang SSS enhancement kung saan mag-uumpisa na ang digitalized services sa larger branches sa susunod na taon.
Inaasahang makakasama naman ang medium branch sa mga isasailalim sa digitalization ng serbisyo makalipas ang dalawang taon.