Pormal nang nag-assume ngayong araw, June 4, 2018 ang bagong PNP spokesperson na si P/S/Supt. Benigno Durana Jr., kapalit ni C/Supt. John Bulalacao na itinalagang bagong regional police director ng PRO-6.
Si Bulalacao at Durana ay mag-‘mistah’ at kapwa miyembro ng PMA Class of 1988.
Ang simpleng turnover ceremony ay isinagawa sa media center ng multi-purpose center sa Camp Crame kaninang umaga.
Sa naturang seremonya, si Bulalacao ay ginawaran “Medalya ng Kasanayan” sa kanyang mahusay na pamamahala sa PIO sa nakalipas na apat na buwan.
Ang bagong tagapagsalita ng PNP na si Durana ay nagtapos na cum laude sa PMA.
Huling assignment nito ay bilang team leader ng Office of Rule of Law and Security Institutions ng United Nations Department of Peacekeeping Operations (UN-DPKO) sa Brindisi, Italy mula November 2015 hanggang November 2017.
Sa kaniyang pahayag, sinabi ni Durana na 50 porsyento ng public service ay communication, kung kaya’t sisikapin niyang mai-communicate sa mga mamayan ang makatotohanang impormasyon mula sa PNP.