-- Advertisements --

Kumitil na ng 18 katao ang nangyaring stampede sa isang istasyon ng tren sa may kabisera ng New Delhi sa India noong gabi ng Sabado, Pebrero 15.

Ayon sa mga local official, nag-ugat ang trahediya matapos mag-unahan ang buhos ng mga pasahero na makasakay sa tren patungo sa pinakamalaking religious gathering sa buong mundo na Maha Kumbh Mela sa city ng Prayagraj na magtatapos sa Pebrero 26.

Ipinagdiriwang ito isa beses kada 12 taon kaya naman milyun- milyong mananampalatayang Hindu ang dumadalo.

Kinumpirma ni deputy medical superintendent ng Lok Nayak Hospital sa New Delhi na si Dr. Ritu Saxena na nasa 15 katao na nasa kanilang ospital ang nasawi. Wala aniyang open injury ang mga ito sa halip karamihan ay nasawi dahil sa hypoxia bagamat posible aniyang may nagtamo ng blunt injury subalit makukumpirma lamang ito pagkatapos ng autopsy.

Mayroon din aniyang 11 iba pa na nasugatan sa insidente kung saan karamihan sa kanila ay nasa stable condition na nagtamo ng orthopedic injuries.

Base naman sa local media sa India, karamihan sa mga nasawi ay mga kababaihan at mga bata.

Samantala, ipinag-utos na ni Railways Minister Ashwini Vaishnaw ang high-level inquiry at nagtalaga ng two-member high-level committee para imbestigahan ang posibleng lapses sa insidente.

Nagpaabot naman ng pakikiramay si Prime Minister Narendra Modi sa mga pamilya ng mga nasawi sa stampede at dasal para sa mga nasugatan para sa kanilang agarang paggaling.