-- Advertisements --

Nagkasundo na ang pamahalaan ng Pilipinas at Kuwait sa panukalang standard na kontrata para sa mga kababayang nagta-trabaho bilang household service worker sa dayuhang bansa.

Sa pagtatapos ng dalawang araw na Joint Committee of the Technical Working Group ng dalawang estado nilagdaan ng mga opisyal ang agreement para sa Standard Employment Contract.

Si Labor Sec. Silvestre Bello III ang nanguna sa delegasyon ng bansa noong Sabado.

Pinirmahan ng mismong Kuwait Assistant Foreign Minister for Consular Affairs na si Sami Al-Hamad at Labor Usec. Claro Arellano ang kasunduan.

Layunin ng standard contract na matuldukan ang pang-aabuso ng Kuwaiti employers sa mga Pinoy household workers.

Ito’y kasunod ng kaso ng pagkamatay ng Pinay na si Jeanelyn Villavende sa kamay ng kanyang mismong amo.

Sakop sa mga probisyon ng agreement na payagan ang mga household workers na hawakan ang kanilang mga pasaporte at cellphone; pagkakaroon ng bayad sa isang araw na day off; at pagbabawal sa hindi otorisadong pagpapasa sa mga ito sa ibang employer.

“Napag-usapan natin yong mga gusto ng ating Pangulong Duterte. Pag-iingat ng passport ng ating mga workers. Yong, nandyan din yong paggamit nila ng cellphone. Nandyan din yong hindi basta-basta sila maita-transfer ng kanilang employer,” ani Arellano.

Sa ngayon nananatili ang deployment ban ng bansa sa Kuwait dahil sa nasabing insidente.