TACLOBAN CITY – Balik na sa normal ang sitwasyon sa Anahawan, Southern Leyte, matapos ang napabalitang standoff sa pagitan ng mga tagasuporta ng dati at kasalukuyang alkalde ng nasabing bayan.
Una nito, mahigpit na kinondena ng mga tagasuporta ni Mayor Alfredo Bong Luna ang naging desisyon ng Commission on Elections sa pagdiskwalipika rito at gayundin ang pormal na pagkilala ng Department of Interior and Local Government (DILG) kay Roberto Loquente bilang alkalde ng Anahawan.
Ayon kay Pol. Capt. Sherwin Machete, hepe ng Anahawan Municipal Police Station, sa ngayon ay nananatiling mapayapa ang kanilang lugar matapos mag-disperse at mag-pull out ang aabot sa 100 tagasuporta ni Mayor Bong Luna na sumugod sa harap ng munisipyo ng Anahawan.
Wala naman diumanong nasugatan o nasaktan sa standoff sa pagitan ng dalawang panig.
Gayunman, patuloy ang pagbabantay ng mga kapulisan sa Anahawan at gayundin ang aabot sa 100 police augmentation mula sa police provincial office ng Southern Leyte.